Klase sa ilang Tagaytay school simula na ulit sa Huwebes

ABS-CBN News

Posted at Jan 22 2020 05:14 PM | Updated as of Jan 22 2020 07:32 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Mga batang lumikas sa Tagaytay kasama sa mga magbabalik-eskuwela

Balik-eskuwela na sa Huwebes, Enero 23, ang mga estudyante sa 9 na paaralan sa Tagaytay City matapos maantala ang klase dahil sa pag-albroto ng Bulkang Taal.

Kabilang sa mga paaralang magtutuloy ng klase ang Maitim Elementary School, Maharlika Elementary School, Carlos Batino Sr. Elementary School, Patutong Malaki Elementary School, Tagaytay City National High School, Isidro Cuarda Elementary School, Neogan Elementary School, Mendez Crossing Elementary School, at Tagaytay City Integrated School.

Tatanggap din ang Tagaytay City Integrated School — na nagsisilbi ring evacuation center — ng mga "displaced student" o iyong mga estudyanteng galing sa ibang mga bayan at lumikas sa lungsod, ayon sa principal na si Marissa Capistrano.

Gagamitin ang kalahati ng Tagaytay City Integrated School sa mga klase habang ang kalahati ay mananatiling evacuation center.

Bilang paghahanda, nililinis na ang mga paaralan na nabalot ng abong ibinuga ng Bulkang Taal.

Nagsagawa rin ng briefing session para sa mga "displaced student" o iyong mga estudyanteng taga-ibang bayan.

Samantala, nadagdagan naman ang mga establisimyentong muling nagbukas sa lungsod.

Nasa 21 hotel at 78 restoran ang bumalik na sa normal ang operasyon.

Nauna nang pinayuhan ng disaster officials ng Tagaytay ang mga nagbabalak bumisita sa lungsod na magdala ng protective mask at maging handa sakaling kailanganing lumikas dahil hindi pa rin nawawala ang banta na dala ng Bulkang Taal.

Libo-libong pamilya mula sa mga bayan sa paligid ng Taal ang lumikas mula sa kanilang mga tirahan simula noong Enero 12 matapos magbuga ng abo ang bulkan.

Itinaas ng Phivolcs ang alert level 4 sa Bulkang Taal, na nangangahulugang posible ang isang hazardous eruption o malakas na pagsabog sa mga susunod na oras o araw. -- Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.