Kaysa baratin: Livestock ng Taal evacuees puwedeng isangla sa DA

ABS-CBN News

Posted at Jan 22 2020 05:15 PM

MAYNILA — Hinikayat ng Department of Agriculture (DA) ang mga livestock owner na apektado ng Taal eruption na isangla na lamang sa ahensiya ang mga hayop kaysa baratin pa ng mga mapagsamantala. 

Ayon sa DA, maaari itong isangla sa kanilang Taal Livestock Care Emergency Operations Center o sa Southern Tagalog Integrated Agricultural Research Center.

Kabilang sa mga puwedeng isangla ang mga baboy, manok, kalabaw, baka, at kabayo. 

Ayon kasi sa ulat na natatanggap ni DA Assistant Secretary Noel Reyes, talamak ngayon ang pananamantala ng traders na binibili ang mga hayop nang bagsak-presyo dahil walang mapaglagyan ang mga ito sa evacuation centers. 

Sabi ni Reyes, sa DA centers ay libreng aalagaan ang mga hayop at bibigyan pa ito ng mga pagkain, vitamins, at iba pang veterinary supplies. 

"Pag okay na sila at may pera na sila, puwede na nilang tubusin for the same price," ani Reyes. 

Layunin umano ng DA na mapanatili ang populasyon ng mga hayop. 

"Ayon sa aming mga eksperto para ma-preserve 'yung mga lahi. Pag naubos saan sila kukuha, sa karatig-bayan? Sa Quezon? Baka mamaya hindi sanay sa Taal, magkakaiba ang mga kabayo."


—May ulat ni April Rafales, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.