Bata patay nang mahulog sa sinabitang van

ABS-CBN News

Posted at Jan 22 2020 05:19 PM | Updated as of Jan 22 2020 06:53 PM

Patay ang isang batang nahulog sa sinabitang van sa Biñan, Laguna. ABS-CBN News

Nasapul sa closed-circuit television (CCTV) sa Biñan, Laguna ang pagkahulog ng isang bata mula sa sinabitan niyang sasakyan, na naging dahilan umano ng kaniyang pagkamatay.

Sa kuha ng CCTV sa Barangay Canlalay noong hapon ng Linggo, makikita ang 8 anyos na si Christian Gubatana na nakasabit sa likod ng isang puting closed van.

Kita rin sa CCTV ang kalaro ni Gubatana na nakasakay sa bisikleta at hinahabol ang van.

Nakunan ang pagtalon ng bata pababa ng van pero tila nawalan siya ng balanse kaya nabagok ang ulo.

Watch more in iWant or TFC.tv

Agad tumawag ng tulong ang napadaang motorista at itinakbo si Gubatana sa ospital pero binawian din ito ng buhay dahil sa internal bleeding.

Makikipag-ugnayan ang mga tauhan ng barangay sa pulis at Land Transportation Office para matukoy ang may-ari ng sasakyan.

Dahil aksidente ang nangyari, hindi naman sasampahan ng kaso ang driver ng van, ayon sa ama ng bata na si Epifanio Gubatana.

Nanawagan din ang mga tauhan ng Barangay Canlalay sa may-ari ng sasakyan na makipag-ugnayan sa kanila para makatulong sa pagpapalibing ng bata. -- Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.