3 suspek na nasa watchlist ng Pasay, arestado

ABS-CBN News

Posted at Jan 22 2020 07:18 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Kalaboso ang 3 suspek nasa drug watchlist matapos ang magkahiwalay na operasyon ng mga pulis Miyerkoles ng madaling araw sa Pasay.

Unang naaresto ang 40 anyos na babaeng si alyas Che-che sa Barangay 181, Maricaban matapos magsumbong ng isang walk-in informant sa ilegal na gawain ng suspek sa kanilang lugar.
 
Paliwanag ni alyas Che-che, ginagawa lamang niya ito para sa kanilang pangangailangan. “Ayoko na po talaga. Napilitan lang po ‘ko para sa mga anak ko,” aniya. 

Kakalaya lamang ng suspek sa kaso rin ng droga nitong Nobyembre. Nakuha mula sa kanya ang 11 sachet ng hinihinalang shabu na may street value na P61,200.

Ayon naman kay Police Capt. Deni Mari Pedrozo ng Pasay City Police, isang residente ng Barangay 157 ang nagsumbong sa umano’y ilegal na pasugalan sa kanilang lugar. 

Nang puntahan nila ito, nakita nila ang 2 lalaking sina alyas Rico, 60 anyos, at alyas Ismar, 38 anyos, na nag-aabutan ng kahina-hinalang mga pakete. 

Agad na hinuli ang dalawa at nakuhanan pa sila ng 9 sachet ng hinihinalang shabu na may street value na P79,400.

Dati nang nakulong si alyas Rico pero bumalik sa pagbebenta ng droga dahil sa wala na raw kumukuha sa kanya bilang construction worker dahil umano sa katamaran niya.

Kakasuhan ang mga suspek ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act. -Ulat nina Lady Vicencio at Fred Cipres, ABS-CBN News. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.