'Pangmomolestiya, pananakit' ng guro, kapatid sa 7 bata idinulog sa PAO

ABS-CBN News

Posted at Jan 22 2019 08:26 PM

Watch more in iWantTFC

Humingi ng tulong nitong Martes sa Public Attorney's Office (PAO) ang mga magulang ng pitong Grade 4 students ng isang eskuwelahan sa Bataan kaugnay sa reklamong pangmomolestiya at pananakit laban sa guro ng kanilang mga anak.

Inireklamo ng mga magulang ang class adviser ng mga anak noong Grade 2 ang mga ito sa Kaparangan Elementary School sa Orani, Bataan.

Bukod sa pananakit ng guro, minolestiya umano ng guro at ng kaniyang kapatid ang ilan sa mga bata, na ikinasugat pa umano ng ilang maselang bahagi ng katawan ng mga bata.

Base sa resolusyon ng Provincial Prosecutor's Office ng Bataan, ang tinutukoy na guro ay si Arceli Maris at kapatid nitong si Goido Fabian.

"Sinabunutan siya, kinurot siya, kinurot siya sa mukha ta's pinag-face the wall daw sila saka pinapalo ng ruler... kinulong daw siya sa loob ng CR ng teacher niya at inilublob daw siya sa timbang may tae," kuwento ni "Janice," ina ng isa sa mga bata.

"Pinaghuhubad daw po siya ng palda at saka ibabato daw po iyon sa may likuran ng kaklase niya, pupulutin niya po iyon gamit 'yong bibig niya, pati panty niya hinubad po iyon," ani "Letty," ina ng isa sa mga bata.

Noong Nobyembre, nakitaan ng probable cause ng Provincial Prosecutor's Office ng Bataan at iaakyat na sa korte ang seven counts ng child abuse laban kay Maris, at six counts ng child abuse, at four counts ng rape laban kay Fabian. 

Sa resolusyon ng piskalya, parehong itinanggi nina Maris at Fabian ang paratang at sinabing gawa-gawa lamang ng isa sa mga magulang bilang paghihiganti dahil sa isa pang kaso.

Mula Nobyembre hanggang ngayon, hindi pa rin nara-raffle ang kaso.

Ayon sa PAO, pag-aaralan nila ang mga maaari pang idagdag na kaso lalo at may paunti-unti pang inilalahad ang mga bata gaya ng isang hindi pa napapangalanang dayuhang sangkot umano sa pangmomolestiya sa kanila.

"Priority po ito dahil ang involved po ay mga menor de edad," ani PAO chief Persida Acosta.

Inilapit naman ng mga magulang ang kasong administratibo sa division at regional office ng Department of Education pero na-dismiss ito matapos ang imbestigasyon.

"There were no evidences against the accused," sabi ni Beatriz Torno, direktor ng DepEd sa Central Luzon.

"Was there a document? Was there a picture that the teacher did child protection violation? Were there pieces of evidence that were submitted by the complainants to the investigating committee? Wala po," ani Torno.

Sa ngayon, aktibong nagtuturo pa rin ang guro sa nasabing paaralan kaya iaakyat na ng mga magulang ang kasong administratibo sa central office ng DepEd.

Umaasa ang mga magulang na kalaunan ay matatanggalan ng lisensiya ang guro.--Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.