Pagtatanim ng palay na hindi makasasama sa kalikasan, mungkahi ng isang grupo

Tarra Quismundo, ABS-CBN News

Posted at Jan 22 2019 06:36 PM | Updated as of Jan 22 2019 07:43 PM

Nagpupulong ngayon ang mga kasapi ng Sustainable Rice Platform, isang alyansa ng mga grupong pinangungunahan ng UN Environment at International Rice Research Institute na mungkahi ang paraan ng pagtatanim ng bigas na hindi makasasama sa kalikasan. Tarra Quismundo, ABS-CBN News

SIEM REAP, Cambodia - Pangunahing pagkain ang bigas sa mundo. Pero alam niyo ba na sa lahat ng mga pananim, nangunguna din ang bigas sa konsumo ng tubig at paglabas ng greenhouse gas emissions na nakasasama sa kalikasan? 

Nanawagan nitong Martes ang isang alyansa ng mga environment group, research institution at mga organisasyon mula sa pribadong sektor ng sustainable rice farming, o paraan ng pagtatanim at pagpapalago ng bigas na hindi makasasama sa kalikasan. 

Tinatalakay ngayon ang usapin dito sa isang pulong ng Sustainable Rice Platform (SRP), isang multi-stakeholder group na mungkahi ang mas makakalikasan na paraan ng pagtatanim. 

“SRP is serious about providing the means to produce rice that’s better: better for farmers, better for the environment, and better for agribusiness,” ayon kay Kundhavi Kadiresan, Assistant Director-General at Asia-Pacific regional representative ng Food and Agriculture Organization ng United Nations.

(Seryoso ang SRP sa pagbibigay ng mas maayos na paraan ng pagtatanim ng bigas: mas mabuti para sa mga magsasaka, mas mabuti para sa kalikasan, mas mabuti para sa negosyo sa agrikultura.)

Kabilang sa alyansa ang UN Environment, International Rice Research Institute na nakabase sa Los Baños, Laguna at German aid agency GIZ. 

Sa isang pahayag, nanawagan ang SRP sa mga gobyerno, financial institution, negosyante, magsasaka, mananaliksik, at development at civil society organizations na magtulong-tulong upang palawigin ang sustainable rice farming sa mundo. 

Watch more in iWantTFC

Ayon sa grupo, kailangang lumawak ang kaalaman tungkol sa sustainable farming, mas palalimin ang pananaliksik sa pamamaraan na ito ng pagsasaka, pagpapababa ng buwis sa bigas, at pagbibigay insentibo sa mga magsasaka na susunod sa sustainable rice farming methods.

Ang SRP ay naglunsad nitong Martes ng mas pinaigting na Standard for Sustainable Rice Cultivation na nagtatakda ng mga pamantayan ng sustainable rice farming. Inilunsad ang unang bersiyon ng mga pamantayan na ito noong 2015.

Sa ilalim ng SRP rice cultivation standards, nagtatakda ng 41 na guidelines para sa mga magsasaka, kabilang ang mga rekomendasyon ukol sa pagtatala ng crop cycle, pagsasanay ng mga magsasaka, paghahanda sa lupa, paggamit ng mga buto na maganda ang kalidad, maayos na paggamit ng tubig, proteksyon mula sa mga peste na hindi umaasa sa mga pesticide, at iba pa.

Ayon sa grupo, sa pamamagitan ng pagsunod sa pamantayan na ito ay makapagpapalago ng bigas gamit ang mas kaunting tubig at maaaring tumaas pa ang kita ng mga magsasaka at mga negosyo. 

Sa tala kasi, halos 40 porsiyento ng tubig pang-irigasyon sa buong mundo ang nakokonsumo sa pagtatanim ng bigas habang 10 porsiyento naman ng methane emissions ang nagmumula sa mga palayan. 

“Rice is the largest source of greenhouse gases and uses more water than any other crop worldwide,” ayon kay Kadiresan sa kaniyang speech sa pulong. 

(Bigas ang pinakamalaking pinagmumulan ng greenhouse gases at gumagamit ng pinakamaraming tubig sa lahat ng mga pananim sa mundo.)

Sa mga lugar kung saan unang ipinatupad ang SRP standards, naitala ang 20-porsiyentong pagbaba sa konsumo ng tubig at 10-porsiyentong pagtaas sa kita ng mga magsasaka. 

“It’s time to break away from the old-fashioned way of doing business and look at new realities,” ayon kay Kadiresan.

(Panahon na para iwan ang makalumang paraan ng pagnenegosyo at tingnan ang bagong realidad.)

Sa unang bugso ng pagpapatupad ng mga pamantayan ng SRP, naabot nito ang 700,000 magsasaka at naipatupad sa 319,000 hektarya ng sakahan sa buong mundo. 

Sa ngayon, may 100 partner institutions sa 24 bansa ang SRP. 

Ang bigas ang pangunahing pagkain ng nasa 3.5 billion tao sa buong mundo. Sa datos ng UN, kailangang tumaas ang rice production sa mundo ng 25 porsiyento sa susunod na 25 taon dahil sa inaasahang pagtaas ng populasyon. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.