P100,000 halaga ng ‘shabu’, nasamsam sa Bacolod

Martian Muyco, ABS-CBN News

Posted at Jan 22 2019 06:06 PM | Updated as of Jan 22 2019 06:07 PM

Kasama ni alyas John ang dalawa pang suspek nang arestuhin sa buy-bust operation sa Barangay Alijis, lungsod ng Bacolod. Nasamsam sa kanila ang tinatayang P60,000 halaga ng droga. Larawan mula sa Police Station 7 ng Bacolod City

BACOLOD CITY—Apat ang inaresto sa magkahiwalay na buy-bust operation na ikinasa Lunes ng gabi sa lungsod na ito.

Isang buwan pa lamang mula nang makalabas sa kulungan ang subject ng buy-bust operation na si alyas Ralph nang arestuhin muli matapos mabilhan ng droga ng operatiba ng Police Community Precinct 3 sa kaniyang bahay sa Villa Servando sa Barangay Singcang Airport.

Nakuha umano sa kaniya ang P40,000 halaga ng ilegal na droga, ngunit itinanggi niya ang akusasyong nagbebenta siya ng droga. 

Samantala, tatlo naman ang timbog sa buy-bust operation ng Police Station 7 sa Purok Gaisano, Barangay Alijis. 

Subject naman ng operasyon si alyas John, isang newly identified drug personality. 

Inaresto rin ang dalawa niyang mga kasama, kung saan ang isa rito ang itinuturing high-value target dahil sumuko na ito dati.

Isang malaking sachet ng hinihinalang shabu ang nabawi kay John na tinatayang nagkakahalagang P60,000.

Inamin ni John na gumagamit siya ng droga, pero itinanggi rin niyang nagebebenta siya ng shabu.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.