Mga magsasaka sa Davao del Sur, apektado ng dry spell

Chrislen Bulosan, ABS-CBN News

Posted at Jan 22 2019 07:02 PM | Updated as of Jan 22 2019 08:08 PM

Nangangamba ang daan-daang magsasaka sa Davao del Sur na wala na silang kikitain pa hanggang Hunyo ngayong taon dahil tuyo na ang mga basakan sa kanilang lugar na apektado ng dry spell.

Palay ang pangunahing kabuhayan ng mga magsasaka sa bayan ng Matanao. Nasa 400 ektarya ng basakan ang tuyo na, dahil mula Nobyembre 2018 pa walang pag-ulan sa lugar.

Namomroblema na ang mga magsasaka gaya ni Abalda Cayanong dahil wala na silang iba pang mapagkukunan ng kita.

"Pait gyud kaayo among kahimtang kay wala man gyud mi mapaabot. Unya asa napud mi mangita og tubig kay wala naman mi ikaapas anang krudo krudo nga pump," aniya.

(Ang hirap ng kalagayan namin ngayon kasi wala naman kaming aantayin. Saan naman kami kukuha ng tubig, wala kaming ipambabayad sa krudo ng pump?)

Dahil sa naranasang tagtuyot, biyak na ang lupa ng mga palayan. Sira na rin ang iba pang produktong pananim.

Ayon sa municipal agriculture office ng Matanao, ipinaabot na sa Department of Agriculture ang problema ng mga magsasaka.

Plano nilang maglagay ng water pumps sa mga basakan na apektado.

Limang bayan ng Davao del Sur ang apektado ng dry spell.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.