Mga ibon sa Tubbataha Reefs Park, napipinsala rin ng basura

Lynette dela Cruz, ABS-CBN News

Posted at Jan 22 2019 05:05 PM

Namataang napupuluputan ng plastik na panali ang isang ibon sa Tubbataha Reefs Natural Park. Photo courtesy of Tubbataha Management Office

CAGAYANCILLO, Palawan - Bukod sa pinsalang dulot sa mga coral reef, nagdurusa na rin ang mga ibon sa dami ng basura sa Tubbataha Reefs Natural Park, ayon sa mga nangangalaga ng liwasan.

Kamakailan ay nakunan ng larawan ang isang ibon na napuluputan ng plastik na panali at isa naman ang nasabitan ng plastic cup ang tuka.

Sa obserbasyon ng Tubbataha Management Office, mas dumami ang basura sa Tubbataha Reefs Natural Park kumpara sa nakalipas na dalawang taon.

Galing ang mga basura sa iba't ibang lugar at kalapit-bansa, ayon kay Angelique Songco, ang park superintendent.

Tanging mga park ranger lang din ang naglilinis sa mga basura at aminado silang mahirap ubusin ang mga ito.

Pinangangambahang nakapapaminsala ang mga ito sa mga buhay-ilang sa Tubbataha, gaya ng mga pawikan na napagkakamalang jellyfish ang mga basura.

Kapag dumami pa ang basura, posibleng marami pa raw ang maapektuhang buhay-ilang, ayon kay Songco. Aniya, sana ay matuto ang mga tao na magbawas sa paggamit ng plastik.

Sa ngayon, naninirahan sa Tubbataha ang 600 species ng isda, 360 species ng corals na halos kalahati ng coral species sa buong mundo, 24 species ng pating at pagi, 14 na species ng dolphins at whales, 100 species ng ibon at mga hawksbill at green sea turtles.