Dating barangay kagawad, pinalakol, patay

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at Jan 22 2019 08:32 PM

DIADI, Nueva Vizcaya — Natagpuang patay ang isang dating barangay kagawad sa Lower Magat Ecotourism Park sa bayan na ito noong Linggo ng madaling araw.

Kinilala ang biktima na si Eugenio Turingan na tatlong terminong naging opisyal sa Barangay Cabaruan, Cauayan City, Isabela.

Ayon kay Senior Inspector Odlanyer Endrinal, hepe ng Diadi Police, hapon noong Sabado nang nagcheck-in umano ang biktima sa naturang pook-pasyalan.

Pero nang magronda ang mga guwardiya kinagabihan ay nadiskubre ang mga bakas ng dugo sa kubo na tinutuluyan ng biktima.

Agad naman nagsumbong sa mga pulis ang mga guwardiya at nang kanilang sundan ang mga bakas ng dugo ay natagpuan ang biktima na nakahandusay sa mga tanim na halaman hindi kalayuan sa kubo.

Narekober din ng awtoridad ang isang palakol na hinihinalang ginamit sa pagpatay sa biktima.

“May mga sugat siya sa katawan, ulo at mukha,” dagdag ni Endrinal.

Iniimbestigahan naman ang anggulong love triangle at meron na ring persons of interest sa nangyaring pagpatay.

“May nagpareserve dun sa room na isang babae na gumamit ng fictitious name noon pang January 15. Tinawagan din siya noong January 19 nang dumating itong biktima at nag-confirm naman siya sa reservation. So ito ngayon ang iniimbestigahan natin kung ano ang koneksiyon nitong babae,” sabi ni Endrinal.

Naisailalim na sa otopsiya ang bangkay ng biktima at naiuwi na rin sa kaniyang pamilya na tumanggi naman magbigay ng anumang pahayag tungkol sa insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.