Daraga Mayor Baldo, arestado sa pag-iingat ng 'di lisensiyadong baril

ABS-CBN News

Posted at Jan 22 2019 05:23 PM | Updated as of Jan 23 2019 01:22 AM

Watch more in iWantTFC

(UPDATED) Ilang hindi lisensiyadong baril at mga bala ang nakuha ng awtoridad sa paghahain ng search warrant sa bahay ni Daraga Mayor Carlwyn Baldo sa Barangay Tagas, Martes.

Dalawang kalibre .45 baril at iba't ibang uri ng bala ang nakuha mula sa isang bag na nakabaon malapit sa isang kubo sa loob ng compound ng bahay ni Baldo.

Nabawi rin ang Isuzu Alterra na ayon sa mga suspek sa pagpatay kay AKO Bicol party-list Representative Rodel Batocabe ay ang ipinangsundo sa kanilang grupo para makatakas matapos maisagawa ang krimen.

Ayon kay Philippine National Police - Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) Director Chief Supt. Amador Corpus, isa sa sumukong suspek sa pagpatay kay Batocabe ang nagbunyag na ipinabaon sa kaniya ni Baldo ang mga nasabing baril. 

Dagdag pa ni Corpus, si Danilo Muella alias Manoy Dan ang nagbigay ng impormasyon hinggil sa ibinaong mga baril.

“Ipapa-ballistics natin ang baril, hindi naman nagamit ito sa krimen. Initially, based sa statement ng mga witnesses, hindi. Hawak talaga ni Manoy Dan iyon, ipinabaon ni Mayor. Si Muella, yung huling sumurrender, siya ang tumulong sa mga operatives natin,” aniya.

Aalamin ngayon kung ginamit din sa krimen ang mga baril. 

Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya si Baldo at haharap sa kasong illegal possession of firearms. 

Si Baldo ang itinuturong mastermind sa pagpatay kay Batocabe.

Mariin namang itinanggi ni Baldo na may kinalaman siya sa pagkamatay ni Batocabe.

-- ulat mula kay Jose Carretero at Maan Macapagal, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.