Bangkay ng nawawalang mangingisda sa Negros Occidental, nahanap na

ABS-CBN News

Posted at Jan 22 2019 05:14 AM

NEGROS OCCIDENTAL - Natagpuan nitong Lunes sa Cauayan, Negros Occidental ang bangkay ng nawawalang mangingisda matapos ang ilang araw na search and retrieval operation.

Nakita ang bangkay ni Romel Palmaira, 15 anyos, sa dagat sakop ng Barangay Tuyom.

Positibong kinilala ng kaniyang mga magulang si Romel base sa suot nitong T-shirt at singsing.

Patuloy namang pinaghahanap ang kaniyang nakakatandang kapatid na si Robin, 17 anyos.

Pangamba ng Disaster Risk Reduction and Management Office ng Pulupandan, posibleng patay na rin si Robin at maaaring natangay ng alon sa mas malayong lugar.

Humingi na ng tulong ang DRRMO sa Coast Guard at Bantay Dagat sa mga kalapit na lungsod.

Pumalaot ang magkapatid noong Miyerkoles, Enero 16, sa Pulupandan sa kabila ng malakas na hangin at maalon na lagay ng dagat dahil kailangang mangisda para magkapera.

May sakit umano ang anak ni Robin at wala silang pambili ng gamot at gatas. - ulat ni Martian Muyco, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.