3 patay sa magkahiwalay na engkuwentro sa Pampanga

ABS-CBN News

Posted at Jan 22 2019 05:12 AM

PAMPANGA - Patay ang 3 katao, kabilang ang isang hinihinalang tulak, sa magkahiwalay na engkuwentro sa lalawigan ng Pampanga.

Sa Barangay San Juan Timac, San Simon, patay si Jeffrey Sioco matapos umanong makipagbarilan sa mga pulis sa buy-bust operation.

Ayon kay Chief Insp. Louie Gonzaga, hepe ng San Simon police, nagpaputok umano ng baril ang suspek nang mahalata nito na pulis ang katransaksiyon.

Nakuha ang 7 hinihinalang shabu kay Sioco na kabilang sa drugs watch list ng pulisya.

Samantala, nagresulta naman sa engkuwentro ang checkpoint sa Barangay Dela Paz Norte, San Fernando.

Ayon kay Supt. Levi Hope Basilio, hepe ng San Fernando police, tumakas sa checkpoint ang suspek na kinilala lang bilang Junjun.

Narekober sa suspek ang isang kalibre .38 na baril, mga bala, isang granada, at 5 umano'y shabu.

Sa Barangay San Isidro, Magalang, patay ang isang suspek na sangkot umano sa pagnanakaw ng motorsiklo.

Ayon sa Magalang police, tumakas din ang suspek sa checkpoint na nagresulta sa engkuwentro.

Positibo itong kinilala ng biktima na siyang tumangay sa motorsiklo nito. Nakatakas naman ang kasamahan ng suspek at patuloy na tinutugis ng mga pulis. - ulat ni Gracie Rutao, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.