2 teenager arestado sa umano'y pagnanakaw sa tiyuhin

ABS-CBN News

Posted at Jan 22 2019 05:01 PM

Inaresto noong Lunes sa Navotas City ang dalawang lalaking menor de edad matapos silang ireklamo ng pagnanakaw ng kanilang tiyuhin. 

Inireklamo ni alyas "Jose," 32, sa Navotas police ang kaniyang mga pamangking may edad 16 at 17 — at halos apat na taon na niyang kasama sa bahay — matapos umanong nakawin ng mga ito ang kaniyang bluetooth speaker.

Nabatid din sa imbestigasyon na ilang beses na palang pinagnanakawan ng dalawa ang tiyuhin, sabi ni Senior Superintendent Ram Haveria, hepe ng Navotas police.

Ayon pa kay Haveria, sa droga napupunta ang perang kinikita ng mga pamangkin sa mga ninakaw.

"Lumalabas na paulit-ulit na palang ginagawa sa kaniya at lumalabas na ginagamit nga sa droga," ani Haveria.

Malapit lang daw ang bahay nina "Jose" sa lugar ng tatlong drug den na sinalakay ng Philippine Drug Enforcement Agency noong nakaraang linggo, kung saan nahuli ang 28 tao, kabilang ang 12 bata.

Nahaharap ang dalawa sa kasong theft.

Pero dahil mga menor de edad, mananatili mnua ang dalawa sa Bahay Pag-asa sa Navotas.

--Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.