2 patay, 1 sugatan sa sunog sa Dipolog City

Sunny Dimasuhid, ABS-CBN News

Posted at Jan 22 2019 11:59 AM

DIPOLOG CITY - Dalawa ang patay habang 1 ang sugatan matapos sumiklab and sunog dito sa lungsod, Martes ng madaling araw.

Patay ang 64-taong gulang na si Necita Velasco at ang 13-anyos niyang pamangkin na si Angel Kesha Mae Velasco matapos ma-trap sa nasusunog nilang bahay sa Barangay Gulayon kaninang madaling araw.

Nagtamo ng mga paso sa braso at paa ang isa pang nakatira sa bahay na si Lani Montillana.

Ayon kay Rogem Dolotalias, ang taga-maintain sa bahay ng pamilya, malaki na ang apoy nang datnan niya ito kaya nahirapan na rin siyang tulungan ang kaniyang amo lalo pa't napapalibutan ng grills ang buong bahay.

Isinara na rin ng may-ari ng bahay ang isang bintana na maaari sanang daanan palabas lalo't nanakawan na sila noon.

Umabot sa ikalawang alarma ang sunog na naapula matapos ang higit 30 minuto.

Nagsimula ang apoy sa sala ng bahay ngunit hindi pa masabi kung ano ang sanhi ng apoy, ayon kay Fire Officer 2 Alchester Progosu, fire investigator.

Kabilang sa mga posibleng pinagmulan ng apoy ang isang cellphone na naiwang naka-charge, ani Progosu.

Tinatayang nasa P150,000 ang structural damage sa sunog.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.