2 lalaki na 'nangholdap' ng auto parts store, napatay

ABS-CBN News

Posted at Jan 22 2019 06:09 AM | Updated as of Jan 23 2019 12:18 PM

MAYNILA - Patay ang 2 hinihinalang holdaper matapos umanong makipagbarilan sa mga pulis sa Barangay Gulod, Novaliches, Quezon City Martes ng hatinggabi.

Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng mga suspek na umano'y sangkot sa panghoholdap ng isang auto parts store.

Lunes ng hapon nang pasukin ng mga kawatan ang shop. Pinadapa ang mga tao sa loob at tinangay nila ang 3 cellphone, alahas, at P18,000.

Inireport agad ng shop ang insidente at natunton ang mga suspek sa isang abandonadong kubo sa tulong ng isang mobile application.

Nang salakayin ng mga pulis ang lugar, nagpaputok umano ang mga suspek. Gumanti ang mga pulis na dahilan sa pagkamatay ng mga lalaki.

Narekober sa mga suspek ang mga nakaw na gamit at 2 baril. Inaalam din ng pulisya kung may kasamahan ang mga suspek. - ulat ni Jervis Manahan at Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.