SAPUL SA CCTV: Gadgets, cash natangay ng 'bukas-kotse' sa Novaliches

Dennis Datu, ABS-CBN News

Posted at Jan 22 2018 11:22 AM | Updated as of Jan 22 2018 11:47 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Laking panlulumo ng isang pamilya nang madiskubre nilang nanakawan ng gamit ang kanilang van sa parking area ng kinainan nilang restaurant sa Zabarte Road, Novaliches.

Bukas na ang bintana ng sasakyan nang datnan ng pamilya, Linggo ng gabi, at wala na rin sa loob ang bag na may lamang iPad, 2 smartphone at P7,500 na cash.

Sa CCTV footage, makikita ang isang lalaki habang dinudukwang ang bintana ng van. Posible umanong ito ang parking boy na tumulong sa pamilyang pumarada bago sila pumasok sa restaurant.

Itinanggi naman ng pamunuan ng restaurant na parking boy nila ang salarin. Hindi rin aniya sila nagkulang sa pagpapaalala na huwag mag-iwan ng gamit sa sasakyan.

Hindi na nagpaunlak ng panayam ang mga biktima pero nagpa-blotter na lamang sila sa barangay. Aminado naman ang mga tanod na maraming reklamo sa mga batang kalye sa lugar.

Nagtutulungan na ang pulisya at mga tauhan ng barangay para maaresto ang lalaking nagnakaw sa van.