SAPUL SA CCTV: Away ng magkapitbahay sa Tondo

ABS-CBN News

Posted at Jan 22 2018 11:39 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Nauwi sa suntukan ang iringan ng magkapitbahay sa Tondo, Maynila matapos umanong pagbawalan ng isang panig ang kapitbahay na magparada ng sasakyan sa tapat ng kaniyang bahay.

Biyernes, alas-8 ng gabi, nang masangkot sa gulo sina Charlie Yarza at Gerome Arce sa Barangay 42, Tondo.

Sinundan muna ni Arce si Yarza nang pumasok ito sa loob ng kaniyang bahay. Kasunod nito'y dinuraan at sinuntok umano ni Arce si Yarza.

Hinila naman ng kasamahan ni Arce ang gate ng bahay ni Yarza hanggang sa matanggal ito.

Lumala ang away at nagkapaluan ng upuan.

"Pinasok na nila ako, siyempre, ano gagawin ko? Ipagtatanggol ko," sabi ni Yarza sa panayam ng ABS-CBN News.

Matapos ang insidente, pansamantalang umalis si Arce pero kalauna'y bumalik at hinagisan ng halaman si Yarza.

Paliwanag ni Arce, uminit ang kaniyang ulo nang mag-dirty finger at pagbantaan ni Yarza ang kaniyang buhay.

"Papatayin daw niya kami," kuwento ni Arce. "Bugso ng damdamin ko, nanggigil ako gusto ko talaga siyang saktan. Naduruan ko siya."

Itinanggi naman ni Yarza ang paratang ng kapitbahay.

Ayon kay Yarza, binato ni Arce ang bahay nila ng pintura at kung ano-ano pang bagay dahil pinagbawalan umano nila itong magparada sa harap ng kanilang bahay.

Mariin namang itinanggi ni Arce ang bintang ni Yarza. Aniya, marami lang talagang galit kay Yarza.

"Sa dami ng ginawa niyang kawalanghiyaan dito, ang daming mag-a-attest," ani Arce.

Kinumpirma naman ng mga tauhan ng barangay na marami na silang natanggap na reklamo laban kay Yarza mula sa ibang residente.

Sa tindi ng galit ng ilan, may gumawa pa umano ng effigy ni Yarza na naka-display sa bubong ng isang bahay.

Payo ni Raquel Payumo, kagawad sa Barangay 42, sa halip na sumali o pumagitna sa gulo, agad humingi ng tulong mula sa mga tauhan ng barangay.

Nakatakdang magharap bukas sa barangay hall ang magkabilang panig.

-- Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.