Magpinsang 'tulak-droga' tiklo sa buy-bust

ABS-CBN News

Posted at Jan 22 2018 09:26 AM

MANILA - Inaresto ang magpinsan na umano'y tulak-droga matapos makuhanan ng P250,000 halaga ng hinihinalang shabu sa buy-bust operation sa Barangay UP Campus, Quezon City ngayong Lunes.

Labing-apat na pakete ng droga ang nakuha mula sa mga suspek na sina Ruben "Bornok" Gorospe at Cels Bravante sa operasyong ikinasa ng pulisya.

Malaki ang posibilidad na mga estudyante ang binibentahan nila ng bawal na gamot, ayon sa police District Drug Enforcement Unit.

Dati nang nakulong si Gorospe noong 2007 dahil sa paggamit at pagbebenta ng marijuana, ngunit kalauna'y na-dismiss ang kaniyang kaso, sabi ng mga imbestigador.

Nang mapag-alamang nagtutulak ulit ito ng droga, nagkasa ang mga awtoridad ng buy-bust operation laban sa kanya noong Oktubre 2017, pero nakatakas siya.

Dinampot ng pulisya si Gorospe matapos magbenta ng P10,000 halaga ng droga sa mga operatiba, Lunes ng madaling-araw.

Inamin naman ng suspek at kaniyang pinsan na gumagamit sila ng bawal na gamot. Mahaharap sila sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.

May ulat nina Isay Reyes at Arra Perez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.