Bus, bumangga sa poste ng kuryente sa Benguet; 2 patay

ABS-CBN News

Posted at Jan 22 2018 04:38 PM | Updated as of Jan 22 2018 07:16 PM

 

BAGUIO CITY - (UPDATED) Dalawa ang patay habang 17 iba pa ang sugatan nang bumangga ang isang bus ng Victory Liner sa poste ng kuryente sa kahabaan ng Marcos Highway sa Tuba, Benguet Lunes ng hapon.

Dead on the spot ang konduktor ng bus at isang pasahero.

Isinugod sa ospital ang iba pang sugatang pasahero.

Nasa kustodiya na ng Tuba Municipal Station ang drayber ng bus na si Maximino Alday.

Inaalam pa ang sanhi ng aksidente pero ayon sa mga pasahero, mabilis ang pagpapatakbo ng drayber ng bus.

Ayon sa pamunuan ng Victory Liner, nagkaroon ng problema ang bus habang binabaybay ang "killer curve" na pinangyarihan ng aksidente.

Madalas umano ang aksidente sa lugar na ito.

Nagmaniobra ang drayber ngunit bumangga ito sa poste.

"To avoid more serious damage to life and property, the driver maneuvered but rammed the bus into a post causing the incident," ayon sa Victory Liner.

Nagpadala na rin umano ng ayuda ang kumpanya sa iba pang mga nasaktan sa aksidente.

"We deployed our emergency team composed of several company representatives to the Baguio hospital to ascertain the condition of passengers and provide them with fast and sufficient medical and financial assistance. Uninjured passengers were safely assisted as well."

Dagdag pa ng kumpanya, maglulunsad rin sila ng sariling imbestigasyon sa insidente, at makikipag-ugnayan sa pulisya.

- ulat ni Melinda Ramo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.