PatrolPH

Batang may special needs, patay sa sunog sa Tondo, Maynila

ABS-CBN News

Posted at Jan 21 2023 06:52 PM

MAYNILA – Patay ang isang 12 taong gulang na batang lalaki sa sunog na sumiklab sa Tondo, Maynila nitong Sabado ng umaga.

Ayon sa ama ng bata, naiwan sa loob ng nasusunog na bahay ang batang may special needs.

Sinubukan pa umano siyang sagipin pero bigo ang kanyang pamilya. 

“Tinangka pong ilabas ng asawa ko at ng manugang ko (iyong anak ko). Sa sobrang bigat po ng bata, eh hindi po nila mailabas dahil po pumipiglas. Hanggang sa ninerbiyos na rin sila kasi may nagpuputukan, lumabas sila umiiyak,” ayon sa ama. 

“Pinilit ko pong pumasok. ’Pag pasok ko po, nag-usap pa po kami ng anak ko. Kako, ‘Anak, halika na dito. Labas tayo.’ Ayaw niya talagang sumama." 

"Hawak niya ‘yung cellphone niya, ‘Ahh, ayoko.’ Eh, mabigat siya, hindi ko talaga mahila dahil medyo malaki pa sa akin. Nagdesisyon na akong lumabas ng bahay dahil baka pati ako, madamay na. Nagpaalam na lang ako sa anak ko, sabi ko, ‘Anak, oh, paano iyan, iiwan na kita.’ Wala na,” dagdag ng ama.

Sa report ng Bureau of Fire Protection, mabilis kumalat ang apoy sa mga bahay na gawa sa light materials sa bahagi ng Barangay 35, at umabot sa ikatlong alarma ang sunog.

Tinatayang nasa 50 pamilya ang apektado ng sunog, ayon sa barangay. 

-- Ulat ni Michael Delizo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.