PatrolPH

Mga LGU, health dep't nagsimula nang mamahagi ng COVID-19 kits

ABS-CBN News

Posted at Jan 21 2022 07:26 PM

MAYNILA - Sinimulan na ng ilang mga lokal na pamahalaan, maging ng Department of Health ang pamamahagi ng COVID-19 home care health kits ngayong Biyernes. 

Laman ng mga kit ang ilang gamot gaya ng paracetamol, vitamins, sabon, mask, alcohol, at iba pang "basic symptomatic treatment." 

Namahagi rin ng "Kalinga Kit" ang DOH, na pangdagadag na suporta ng ahensiya sa mga proyekto ng lokal na pamahalaan na tumutulong sa mga naka-home isolation. 

"Di puwedeng lagyan ng antivirals dahil ito ay kailangan ng prescription ng doktor. Basic lang sya, di kailangan ng kung anu-ano, ang importante basic ang karga pero mas marami ang makatanggap. Kaakibat nito ang teleconsultation telemedicine," ani DOH Secretary Francisco Duque III. 

Ipapamahagi ng Bacoor local government ang "Kalinga Kits" sa tulong ng Southern Tagalog Regional Hospital. 

Araw-araw namang lumalabas ang mga health official ng Quezon City para magpadala ng health kits. Dapat lang ipaalam sa Barangay Health Emergency Response Team ang positibong resulta para makakuha ng ayudang pagkain at health kit. 

Ayon sa Quezon City Epidemiology and Surveillance Unit, mahalagang coordinated ang status ng mga pasyente dahil hindi ito para sa lahat. 

Ang "Kalingang Malabonian Kit" ng Malabon, puwedeng makakuha kahit hindi nagpositibo basta't close contact na kailangang ma-quarantine. 

Kung taga-Marikina, bukod sa pagkain, puwedeng mag-request sa case manager na nakatoka sa nagpositibo ng mga gamot at vitamins na kailangan. 

Muling nagpaalala ang DOH na kapag mild o asymptomatic ang kaso ng COVID-19 ay maaaring mag-isolate sa bahay o sa quarantine facility para manatiling bukas at bakante ang mga kama sa ospital para sa mga mas malulubhang kaso. 

-- Ulat ni Wena Cos, ABS-CBN News

 KAUGNAY NA VIDEO: 

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.