MAYNILA – Ngayong may bago nang pangulo ang Estados Unidos, ano nga ba ang pakinabang ng Pilipinas at mga Pilipino sa pagpapalit ng bagong administrasyon ng Amerika?
Paliwanag sa TeleRadyo ni political analyst Dindo Manhit ng
Stratbase ADR Institute, makikinabang ang mga migrante, lalo na ang mga Pilipino sa Amerika, dahil aayusin umano ni Biden ang mga immigration policy ni Donald Trump.
Inaasahan din aniyang lalakas ang foreign policy ng US at Pilipinas, kabilang dito ang usapin sa pinag-aagawang bahagi ng South China Sea.
Bukod dito, lalakas din ang ugnayan ng US sa mga karatig-bansa gayundin sa mga ASEAN countries.
"Magandang pagkakataon ito na ang isang administrasyong bago ay open na makipagtulungan hindi lang sa Pilipinas kundi sa ating karatig-bayan. Makikita natin na lalakas ang alliance na binabanggit ng Biden administration sa Japan, Korea, Australia at sa ASEAN," ani Manhit.
"Importante sa atin 'yan because these are main trading partners and we're part of new region, Indo-Pacific region, hanggang India," dagdag niya.
Pero ayon kay Manhit, posibleng tutukan muna ngayon ni Biden ang domestic policy ng Amerika lalo't nagkawatak-watak aniya ang mga Amerikano noong nakaraang administrasyon.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPh, Tagalog news, balita, Joe Biden, Donald Trump, foreign policy, immigration, USA, Amerika, Estados Unidos