Kinatawan ng Pfizer, Sinovac, iba pang bakuna pinadadalo sa Senate hearing

Robert Mano, ABS-CBN News

Posted at Jan 21 2021 03:56 PM

Bakuna ng Pfizer-BioNTech laban sa COVID-19. Boris Roessler, Pool/Reuters

MAYNILA – Pinadadalo ng Senado sa kanilang ikatlong pagdinig ukol sa vaccine roadmap ng pamahalaan ang kinatawan ng ilang manufacturers ng COVID-19 vaccine tulad ng Pfizer, Sinovac, Sinopharm, at iba pa.

Sa guestlist para sa pagdinig sa Biyernes, makikita na imbitado ang mga kinatawan ng Sinovac Biotech ng China, Pfizer, Zuellig Pharma, Unilab, at MKG Universal Drugs na siyang exclusive distributor sa Pilipinas ng Sinopharm.

Inaasahang tatanungin sila ng mga senador ukol sa efficacy, presyo at side effects ng kanilang bakuna.

Pinababalik naman sa pagdinig sina vaccine czar Carlito Galvez, Health Secretary Francisco Duque III at iba pang miyembro ng IATF. 

Nag-imbita ring muli ng mga eksperto sa bakuna.

Sa kasalukuyan, ang bakuna ng Pfizer-BioNTech pa lamang ang nabigyan ng emergency use authorization (EUA) ng Food and Drug Administration para magamit sa bansa.

Inaasahang darating ang suplay ng Pfizer sa susunod na buwan, at posible pa umanong mauna sa Sinovac ng China, ayon kay Galvez.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.