Higit P400k shabu nasamsam sa 2 miyembro umano ng Sputnik gang

ABS-CBN News

Posted at Jan 21 2021 05:51 PM

MABALACAT CITY, Pampanga – Higit P400,000 halaga ng hinihinalang shabu ang nasamsam mula sa 2 itinuturong tulak ng ilegal na droga dito Miyerkoles. 

Unang nahuli sa checkpoint ng Barangay Dau ang 30 anyos na si alyas "Gie" na ayon sa pulisya ay miyembro umano ng Sputnik gang.

Nakuha sa kanya ang hinihinalang shabu na nasa 4 gramo ang bigat at tinatayang nasa P27,200 ang halaga.

Sa follow-up operations ay natunton ang kasabwat nitong miyembro rin daw ng Sputnik sa Barangay Camachiles na kinilalang si alyas "Bryt," 30.

Nasa 60 gramo ng hinihinalang shabu naman ang nakuha kay Bryt at aabot sa P408,000 ang halaga.

Nakuha rin sa kaniya ang digital weighing scale, cellphone at marked money na ginamit sa operasyon.

Sasampahan ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang dalawang nahuli.

– Ulat ni Gracie Rutao

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.