COVAX naglaan ng nasa 40 milyong doses ng libreng bakuna para sa Pinas

ABS-CBN News

Posted at Jan 21 2021 06:46 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA – Makakakuha ng aabot sa 40 milyong libreng dose ng bakuna kontra COVID-19 ang Pilipinas mula sa COVAX Facility, na naglalayong mabigyan ng access sa bakuna ang mga nangangailangang bansa.

Halos 20 milyong Pilipino ang tinatayang makikinabang dito.

"Sa loob po na pasilidad, makasiguro na meron tayong 30 to 40 million na doses for free para sa lahat ng ating kababayan," ani vaccine czar Carlito Galvez nitong Huwebes. 

Miyembro ng COVAX ang World Health Organization, kaya makakasiguro umano ang bansa na ligtas ang mga bakunang manggagaling dito tulad ng sa Pfizer-BioNTech, Johnson & Johnson, AstraZeneca, at Novavax.

Inaasahang sa Pebrero darating ang unang batch ng bakuna ng COVAX na malamang ay mula sa kompanyang Pfizer. 

Bukod dito ay tuloy pa rin ang negosasyon sa ibang kompanya para maabot ang 148 million doses na target para ngayong taon.

"Nakikita natin na hindi natin kontrol 'yung management ng COVAX so 'yun ang ina-anticipate namin. Magkaroon kami ng contingency in case na ma-delay, meron naman tayo sa regular procurement sa vaccine," ani Galvez.

Tinitignan ngayon kung makakakuha din ng halos 20 milyong dose ng bakuna mula sa Moderna, na mataas rin ang efficacy rate tulad ng bakuna ng Pfizer.

Ayon sa kay Galvez, maaaring mabuo ang kasunduan sa buwan na ito.

Pero dahil marami ang nag-aagawan para sa suplay ng Moderna, 
kinailangang makipagnegosasyon pa para magkaroon ng paunang alokasyon sa Mayo imbes na sa Setyembre.

Sa kasalukuyan, mayroon nang kasunduan ang Pilipinas para sa 30 milyon doses mula sa Novavax, 25 milyon mula sa Sinovac, at 17 milyon mula sa AstraZeneca. 

Dumagdag din sa listahan ng mga gustong makapag-supply ng bakuna sa Pilipinas ang Indian company na Bharat Biotech.

Kinumpirma ni Galvez na isa sa tinitingnan nilang supplier ang Bharat Biotech pero hindi pa nila nakita ang resulta ng clinical trials nito.

Sinabi naman ng IP Biotech at Ambica International, na exclusive distributor ng Bharat Biotech sa Pilipinas, na gawa sa tradisyunal na inactivated virus ang bakuna at madali itong gamitin sa mga bansa tulad ng Pilipinas dahil regular na temperatura lang ng refrigerator ang kailangan nito. 

-Mula sa ulat ni Kristine Sabillo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.