PatrolPH

Cebu City Mayor Labella nagpapagaling sa ear infection, balik-trabaho sa Lunes

ABS-CBN News

Posted at Jan 21 2021 01:02 PM

Cebu City Mayor Labella nagpapagaling sa ear infection, balik-trabaho sa Lunes 1

MAYNILA - Nakatakdang bumalik sa trabaho si Cebu City Mayor Edgardo Labella sa Lunes matapos magpahinga nang tatlong araw dahil sa ear infection.

Ito ang paglilinaw na ibinigay ni City Administrator Atty. Floro Casas matapos kumalat ang usap-usapang na-comatose at nasa intensive care unit ang alkalde.

 

Sabi ni Casas, nagkaroon ng ear infection ang alkalde, at hindi totoong may prostate cancer ito.

“Nirekomenda lang ng kanyang doktor na ipa-confine siya sa ospital, dahil mabagsik ang bacteria na naka-infect sa kaniyang tainga,” sabi ni Casas.

Dagdag pa niya na magaling na si Labella, at araw-araw niya itong binibisita sa ospital.

Nag-leave nang tatlong araw si Labella, mula Enero 20 hanggang 22, at itinalaga munang acting mayor si Vice Mayor Michael Rama.

Sa Biyernes nakatakdang ma-discharge sa ospital ang 69-anyos na alkalde. 

Noong Setyembre ng nakaraang taon ay nag-leave din si Labella para sumailalim sa gallbladder surgery.

- Ulat ni Vilma Andales

RELATED VIDEO

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.