PatrolPH

4 positibo sa COVID-19 sa drive-thru swab testing sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Jan 21 2021 05:09 PM

4 positibo sa COVID-19 sa drive-thru swab testing sa Maynila 1
Jekki Pascual, ABS-CBN News/File

MAYNILA — Apat na ang nagpositibo sa coronavirus disease (COVID-19) matapos sumailalim sa libreng drive-thru swab testing Quirino Granstand mula Lunes. 

Ayon sa Manila Health Department (MHD) magmula Lunes, Enero 18, hanggang Enero 20, Miyerkoles, 242 na ang sumalang sa swab test.

Sa apat na nagpositibo sa virus, isa ang residente ng Maynila habang hindi naman taga-Maynila ang tatlong iba pa. 

Samantala, 238 ang negatibo sa virus. 

Matatandaang binuksan ni Mayor Isko Moreno ang testing facility sa publiko na kayang mag-test ng hanggang 100 pasyente kada araw. 

Maging mga hindi taga-Maynila ay libreng ite-test basta may appointment. 

Ayon sa Manila Public Information Office, i-rerefer sa mga quarantine facility o mga ospital ang mga bagong nag positibo sa COVID-19.

Mula nitong Enero 21, aabot sa 25,911 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa lungsod. Sa bilang, 393 ang active cases, habang 776 naman ang namatay sa sakit. 

-- Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.