P7 milyong halaga ng 'shabu' nakumpiska sa Cebu drug bust; 6 timbog

ABS-CBN News

Posted at Jan 21 2020 12:45 PM

Aabot sa P7 milyong halaga ng hinihinalang shabu ang nakumpiska sa mag-live-in partner sa buy-bust operation sa Consolacion, Cebu noong Enero 20, 2020. ABS-CBN News

Nakumpiska ng mga awtoridad ang nasa P7 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa 6 na suspek na naaresto sa buy-bust operation sa bayan ng Consolacion, Cebu noong gabi ng Lunes.

Itinuturing na high-value target ang mag-live-in partner na tinukoy sa operasyong ikinasa sa Sitio Bangkerohan bandang alas-11 ng gabi, ayon kay Consolacion police chief Police Maj. Verniño Noserale.

Natimbog din ang 4 na babaeng kasali umano sa pangangalakal ng mag-live-in partner ng ilegal na droga, ayon sa pulisya.

Nakuha umano sa mga suspek ang mga pakete ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P7 milyon.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Inaalam na rin ng awtoridad kung sino ang source ng droga ng mga suspek.

-- Ulat ni Jude Torres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.