Mga bangkero ng Pagsanjan, nagsakripisyo ng bahagi ng kita para sa Taal Volcano evacuees

Tarra Quismundo, ABS-CBN News

Posted at Jan 21 2020 05:29 PM

Naghatid ng tulong ang mga bangkero ng Pagsanjan, Laguna sa mga apektado ng pagputok ng bulkang Taal sa Tanauan, Batangas. Larawan mula kay Marcus Tuico

MANILA - Sa bayan ng Pagsanjan sa Laguna kung saan turismo ang isa sa mga pangunahing hanap-buhay, walang kasiguruhan ang pang-araw-araw na kita. 

Pero para sa mga bangkero na nakasalalay ang kita sa kung may darating na turista para dayuhin ang Pagsanjan Falls, walang pagdadalawang-isip ang pagtulong sa mga kababayang nasalanta ng pagsabog ng Bulkang Taal sa Batangas. 

Ang United Boatmen Association of Pagsanjan (UBAP), ang grupo ng mga bangkero sa bayan, ay nakapundar ng halos P400,000 na pondo para makapaghatid ng relief goods sa Tanauan, Batangas, isa sa mga bayang apektado ng pagaalboroto ng bulkan. 

"Dati sa [bagyong] Yolanda tumulong din kami. Ngayon, nagkaroon ng pagputok ng Taal, napagdesisyonan ng mga bangkero na magparota," ayon kay Marcus Tuico, miyembro ng UBAP Board of Directors. 

Kadalasan man ay gipit sa kanilang sariling pangangailangan, nagkasundo ang mga bangkero na magbigay ng P400 sa kada biyahe nila papuntang falls mula sa kabuuang P1,180 na fee. Dahil may 2 bangkero kada biyahe, suma nito ay P200 ang ambag kada bangkero. 

Katumbas ng 987 na "bangka" o biyahe papuntang falls, nakabuo ang mga bangkero ng P394,800 - pondong ginamit pambili ng bigas, de lata at sabon na kanilang dinala nitong Martes sa Tanauan. 

Naghatid ng tulong ang mga bangkero ng Pagsanjan, Laguna sa mga apektado ng pagputok ng bulkang Taal sa Tanauan, Batangas. Larawan mula kay Marcus Tuico

Napili nila ang lugar dahil sa pakikipag-ugnayan nila sa local government ng Batangas sa tulong ng Pagsanjan Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council, ang bayan ng Tanauan ang isa umano sa mga hindi gaanong naaabot ng tulong, ani Tuico. 

Umarkila ng trak ang UBAP para madala ang higit 1,000 relief packs na may lamang 2 kilo ng bigas, 2 meatloaf, 2 sardinas, 2 corned beef, kape, 4 na noodles at sabon. 

May 36 na bangkero naman ang sumama, sakay ng mga arkiladong jeep, para tumulong sa pamamahagi ng relief goods. 

"May konsehala ng bayan na tumanggap, sinamahan kami sa mga liblib na lugar... Laking tulong daw para sa kanila, tuwang-tuwa sila," ayon kay Tuico. 

At masaya rin ang mga bangkero, aniya. 

"Masaya sila, gusto nga ng mga bangkero na tumulong. Sabi nga nila tumulong na tayo kesa tayo ang tulungan," ayon kay Tuico.