Ilang nasalanta ng Taal sa kalsada nanghihingi ng tulong

ABS-CBN News

Posted at Jan 21 2020 05:18 PM | Updated as of Jan 21 2020 07:18 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Higit isang linggo matapos mag-umpisang mag-alboroto ng bulkang Taal, nagsulputan na ngayon sa mga kalsada sa Batangas ang mga lumikas na humihingi ng tulong sa mga dumadaang motorista.

Sa bahagi ng Diokno Highway na paakyat ng Tagaytay City sa Lemery, Batangas, makikita ang mga nasalanta ng pagputok ng bulkang Taal na wala sa mga itinalagang mga evacuation center.

Bitbit ng mga nasalanta ang mga karatula na nagsasaad ng paghingi ng tulong, partikular ng pagkain, tubig, at mga damit.

"Kailangan po namin damit, wala po kaming maisuot," anang residenteng si RJ Pastrano.

Nangangamba ang mga residente na baka kapusin sila ng pagkain kapag nagtagal ang pag-alboroto ng bulkan.

Pero iginiit ni Lemery Mayor Larry Alilio na may sapat na relief goods at dapat lang makipag-ugnayan ang mga wala sa evacuation centers sa kanilang barangay officials para mahatiran ng tulong.

Pinag-utos din ni Alilio ang pagtanggal sa mga karatula.

"Ipinatawag ko 'yong barangay captain ng lugar at sinabi ko kung puwedeng bang patigilin. Kung hindi, paalisin doon at ilagay sa evacuation area," aniya.

Sa ngayon, may mga dumadating na tulong sa Lemery.

Bukod sa Lemery, mayroon ding mga lumikas mula sa pag-alboroto ng bulkan na nakitang nanghihingi ng tulong sa kalsada sa may Calaca, Batangas.

Nasa 20 pamilya mula Laurel, Batangas ang pansamantalang nakikituloy sa bahay ng isang barangay official sa Calaca habang ang iba sa kanila ay nakatira sa waiting shed.

Madalas nasa lansangan ang mga nasabing evacuee para kawayan ang mga dumadaang sasakyan, bitbit dn ang mga karatula para manghingi ng tulong.

Hindi na sila lumikas sa evacuation center dahil bumabalik-balik din sila sa kanilang bahay sa Laurel.

Naabutan naman ng relief goods ang mga taga-Laurel ng mga tauhan ng Department of Social Welfare and Development-Cavite. 

Watch more in iWant or TFC.tv

PAGREHISTRO SA LAHAT NG EVACUEE IPINAG-UTOS

Samantala, inatasan na ng Batangas Provincial Social Welfare and Development Office ang pagrehistro sa lahat ng mga evacuee kahit nakikitira ang mga ito sa mga kaanak o kaibigan.

Sa ganoong paraan umano ay mabibigyan ang lahat ng relief goods at para madaling mahanap ang mga nagkahiwalay na magkakamag-anak.

Ito ay matapos idaing ng ilang evacuee na hindi pantay-pantay ang nabibigay na relief goods sa kanila.

Inamin din ni Joy Montalbo, head ng Batangas social welfare office, na hirap silang mabigyan ng tulong ang mga bayan ng Calaca, Lian, Tui, Balayan at Nasugbu dahil sa kalayuan ng mga ito.

Hinikayat ni Montalbo ang mga pribadong organisasyon na tumawag muna sa kanilang donation hub bago dumeretso sa mga evacuation center para mapuntahan ng mga ito ang mga lugar na hindi nabibigyan ng relief goods.

Sa ngayon, may 472 evacuation center at 145,201 evacuees na pinangangasiwaan ang lalawigan ng Batangas. 

Nakataas pa rin ang Alert Level 4 sa Taal, na nangangahulugang posible ang isang "hazardous eruption" o malakas na pagsabog sa mga susunod na oras o araw. Ipinagbabawal ang ano mang aktibidad sa loob ng 14-kilometer danger zone.

-- Ulat nina Dennis Datu at Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.