Estudyante inaresto dahil sa umano'y sextortion sa Cebu

Joworski Alipon, ABS-CBN News

Posted at Jan 21 2020 07:06 PM

CEBU CITY - Timbog sa entrapment operation ang isang criminology student dahil sa pagbabanta umano sa isang dalaga.

Papasok na sana sa isang lodge sa Barangay Sto. Niño sa Cebu City ang lalaki kasama ang 19 anyos na biktimang babae nang dumating ang mga operatiba ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Unit ng Central Visayas.

Ayon sa hepe na si Police Col. Marlo Castillo, nagsumbong sa kanila ang biktima tungkol sa banta umano ng suspek na ikakalat ang hubad na litrato nito kung hindi makikipagtalik sa kaniya.

Dagdag pa ni Castillo, nagpakilala na foreigner ang suspek sa social media. Hindi inakala ng biktima na batchmate niya sa high school ang kaniyang ka-chat.

Sinasabing may gusto ang lalaki sa biktima.

Pinabulaanan naman ng suspek ang paratang at sinabing kakilala lang niya ang dalaga pero wala siyang masamang balak sa kaniya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.