DILG: Pagbubukas ng mga negosyo sa Tagaytay Ridge nasa pagpapasya ng LGU

ABS-CBN News

Posted at Jan 21 2020 12:42 PM | Updated as of Jan 21 2020 07:28 PM

Visitors passing the highway in Tagaytay City pose for a selfie with the Taal Volcano in the background. January 17,2020. Fernando Sepe Jr., ABS-CBN News

MAYNILA - Nasa lokal na pamahalaan ng Tagaytay ang desisyon kung papayagang makapagbukas ang mga negosyong matatagpuan sa ridge pero nasa loob pa rin ng walong barangay na kailangang ilikas, ayon sa Department of Interior and Local Government (DILG).

"Si Sec. [Eduardo] Año kahapon nagsabi okay, kung nasa ridge naman, sige pahintulutan na ng LGU but the accountability is with the local government unit," sabi ni Jonathan Malaya, tagapagsalita ng DILG.

Nauna nang sinabi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na hindi aabutin ng base surge ang Tagaytay Ridge dahil sa taas nito kahit pa nakapaloob ito sa 14 kilometer danger zone. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Pero diin ni Malaya, wala pa ring pagbabago sa advisory na ibinigay ng Phivolcs.

"Based on the report this morning, mataas pa rin po ang sulfur content, yung earthquakes mataas pa rin so hindi pa rin po talaga bumababa yung alert level natin," sabi ni Malaya.

Nilinaw din niya na tanging ang mga barangay ng Bagong Tubig, Kaybagal South (Poblacion), Maharlika West, Sambong, San Jose, Silang Junction South, Maharlika East, at Tolentino East ang kasama sa mandatory evacuation at hindi ang buong Tagaytay.

"We ask the mayor na tingnan nya muli ang hazard map ng Phivolcs at kung nasa ridge po naman at nasa low risk area, it is now her discretion to decide kung bubuksan niya mga negosyo doon o hindi and the accountability is also with her," dagdag niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.