Apelang ituloy ang motorcycle taxi pilot run ipinaabot kay Duterte

ABS-CBN News

Posted at Jan 21 2020 07:08 PM

MAYNILA - Ipinaabot na kay Pangulong Rodrigo Duterte ang apelang ipagpapatuloy muna ang operasyon ng motorcycle taxis, matapos kanselahin ng technical working group (TWG) ng Department of Transportation ang pilot test run ng mga ito. 

Kinumpirma ito ni Sen. Christopher "Bong" Go. 

“Nabanggit ko po, okay naman siya at pumayag naman siya na sa ngayon 'wag munang ituloy yung paghuli, tuloy muna ang pilot test run for the meantime na wala pang amendments," ani Go. 

Umaga nang Lunes nang i-anunsiyo ng TWG na kakanselahin nila ang pilot test ng mga motorcycle taxi simula sa susunod na linggo - hudyat na huhulihin ang mga motorcycle taxi rider. 

Ilan sa mga aprubadong motorcycle taxi app ay ang Angkas, JoyRide at Move It. 

Bagay na tinutulan ng ilang grupo, at ng mga kongresista ang desisyon.

Pero ayon kay TWG member Bert Suansing, sa Miyerkoles mag-a-anunsiyo ang TWG kung itutuloy o hindi ang pilot test run pagkatapos ng pagdinig nito sa Kamara. 

"Hindi naman kami insensitive but again, we defer the decision after the hearing bukas sa Congress na nagbigay-buhay sa pilot prgram," ani Suansing. 

Sa Kongreso ibinuo ang TWG, na nagsisiyasat kung kailangan ng batas para maging legal na ang mga motorcycle taxis. 

Kung magpapatuloy ang programa, legal na maaaring tumakbo ang tatlong app hanggang Marso 23. 

-- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.