5 timbog sa droga sa QC

ABS-CBN News

Posted at Jan 21 2020 04:13 AM | Updated as of Jan 21 2020 08:34 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

(UPDATE) Arestado ang 5 katao sa magkakahiwalay na buy-bust operation sa Cubao at Barangay UP Campus, Quezon City.

Arestado ang 3 lalaki matapos magsagawa ang Quezon City Police District (QCPD) Anonas Police Station ng isang buy-bust operation pagsapit ng Martes sa Quezon City. 

Ayon kay Police Cpl. John Cyrel Guntan ng QCPD Station 9, target ng kanilang operasyon ang 32 anyos na tricycle driver na si alyas Lloyd Adam sa mismong bahay nito sa Pook Arboretum, Barangay UP Campus.

Nang magkapalitan na ng pera at droga sa operasyon, nilusob ng mga operatiba ang loob ng bahay ng target at naabutan ang mga parokyano na sina alyas Eddie Boy, 27 anyos, at alyas Richard, 44 anyos.

Aminado si alyas Lloyd Adam na nagbebenta siya ng droga upang magkaroon ng pantustos sa mga pangangailangan sa bahay. 

Itinanggi naman nina alyas Eddie Boy at Richard na bumibili sila ng droga kay alyas Lloyd Adam ngunit aminado naman sila na gumagamit ng droga.

Nakuha mula sa mga suspek ang 8 sachet ng hinihinalang shabu na may street value na P34,000. 

Timbog din ang parehong 21 anyos na call center agent at kaibigan nito matapos silang mabilhan ng hinihinalang marijuana sa buy-bust operation Lunes ng gabi sa Aurora Boulevard, Barangay E. Rodriguez, Cubao, Quezon City.

Ayon kay Barangay E. Rodriguez Chairman Marciano Buena Agua Jr., mga dayo lang sa kanilang lugar ang mga nahuli na mga residente talaga ng Antipolo City. 

Simula kasi noong Nobyembre ng nakaraang taon idineklara na raw ng Philippine Drug Enforcement Agency na drug cleared na ang naturang barangay.

Ayon sa isa mga suspek na si alyas Julian, sinamahan lang niya ang kanyang kaibigan na si alyas Christian kahit alam niyang may dalang itong marijuana. 

Aminado naman si alyas Christian na nagbebenta siya ng marijuana.

Nakuha mula sa mga suspek ang nasa 10 sachet ng hinihinalang marijuana na may street value na P5,000. 

Nakakulong na ngayon ang mga suspek at kakasuhan ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act-Ulat nina Jervis Manahan at Fred Cipres, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.