SAPUL SA CCTV: Yaya nanakit ng 1 taong gulang na alaga

ABS-CBN News

Posted at Jan 21 2019 08:46 PM

Watch more in iWantTFC

Nakuhanan sa closed-circuit television (CCTV) ang pananakit ng isang yaya sa kaniyang isang taong gulang na alaga.

Inireklamo sa barangay si alyas "Iya" ni alyas "Abby," ina ng sanggol, matapos masapul sa CCTV ng bahay ang ginagawang pananakit ni "Iya" sa bata.

Kabilang sa mga nakuhanang insidente ang pagsampal ni "Iya" sa bata habang kumakain, pagpalo sa ulo nito, pagngudngod ng unan, pagsiko sa bumbunan at "pagpaparaos" sa tabi ng natutulog na bata.

"Hindi naman naglilikot 'yong bata eh, natutulog lang, gumalaw-galaw lang nang kaunti," ani "Abby."

"Ang naisip ko paano kung naano 'yong leeg?" dagdag ng ina.

Sa social media umano nahanap ni "Abby" si "Iya."

Ayon kay "Iya," malapit talaga sa kaniya ang bata at napagbuntunan lang daw niya ito ng problema.

"Nasampal ko, nasaktan ko, alam ko po mali, nagsisisi naman po ako. May problema po kasi ako," ani "Iya."

Ayon kay "Abby," desidido siyang kasuhan ang yaya.

Ipapakonsulta ni "Abby" ang kaniyang baby para malaman ang lagay ng anak. --Ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.