Pasungay sa Iloilo kanselado dahil sa isyu ng animal cruelty

ABS-CBN News

Posted at Jan 21 2019 02:20 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Kinansela ang pagdiriwang ng pista ng Pasungay sa bayan ng San Joaquin, Iloilo kasunod ng pagbatikos sa tradisyon bilang umano ay animal cruelty o pang-aabuso sa mga hayop.

Isa sa mga pangunahing aktibidad para sa pista, na dapat sana ay idaraos noong Sabado, ang pagsasabong sa dalawang kalabaw — bagay na tinutulan ng non-government organization na Animal Kingdom Foundation.

Ayon kay Joe Lazaro Jr., miyembro ng Sangguniang Bayan ng San Joaquin, nirerespeto ng pamahalaang lokal ang opinyon ng grupo ukol sa aktibidad.

"Nirerespeto natin sila. Binibigyan natin ng atensiyon ang kanilang ipinaglalaban," sabi ni Lazaro sa panayam ng ABS-CBN News.

Bago nito, naglabas ng pahayag sa social media ang Animal Kingdom Foundation na kumokondena sa pagsasabong sa mga hayop sa Pasungay.

"The festival called Pasungay involves bulls and horses that are pitted against each other for sake of entertainment. It's not a 'fight to the death' match per se, but there is still clear cruelty involved," sabi ng grupo sa pahayag.

Nagpasalamat ang grupo sa mga taga-San Joaquin dahil pinakinggan ang kanilang sentimyento ukol sa pista.

Ayon naman kay Val Serag, provincial board member sa Iloilo, balak nilang magsulong ng batas para kilalanin ang aktibidad sa Pasungay.

"Kung puwede maamyendahan ang batas dahil itong Pasungay hindi naman gawa-gawa lang. Narito na ito mahigit 100 years," sabi ni Serag.

Nadismaya naman ang ilang dayuhang turista na dumayo pa sa San Joaquin para matunghayan ang pista.

"I think it's an opportunity for everyone to see the natural behavior of this domestic animal," ani Knut Lenes, isang turistang galing sa bansang Norway.

Hindi man natuloy ang pagsasabong, pinarangalan na lang ang kalabaw na si Tadlang, ang pinakamatagal na kalahok sa pista.

May higit 20 taon na siyang lumalahok dito at 17 beses nang nagkampeon.

--Ulat ni Joyce Clavecillas, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.