Lalaki timbog sa 'pagdukot' sa dayuhan sa Makati

ABS-CBN News

Posted at Jan 21 2019 05:02 PM | Updated as of Jan 21 2019 08:09 PM

Inaresto noong Linggo ang isang lalaki dahil sa umano ay pagdukot at pagkulong sa isang British sa isang condominium unit sa Barangay Bel-Air, Makati City.

Nasagip din ng mga pulis ang 42 anyos na British na ikinulong ng isang araw ng suspek na si Randy Domingo.

Watch more in iWantTFC

Matagal nang magkaibigan ang suspek at biktima, base sa imbestigasyon ng pulisya.

Nagpunta sa Pilipinas ang British dahil ibinebenta sa kaniya ni Domingo ang condo unit subalit pagdating daw ng biktima noong Sabado ay bigla raw siyang ginapos ni Domingo at hiningan ng pera.

Problemado raw si Domingo dahil nalugi kamakailan ang negosyong bar sa Quezon City.

"Nakikita na motibo dito is 'yong pangangailanan ng suspek ng pera," ani Senior Superintendent Rogelio Simon, hepe ng Makati police.

Nakatakas ang British sa condo unit matapos pakawalan ni alyas "David," dating empleyado ng suspek na pinilit umano ng suspek na tumulong sa paggapos sa biktima.

Ang British at si "David" ang dumulog sa pulisya para mahuli si Domingo.

Nakuha kay Domingo ang isang replica ng baril, kutsilyo, at duct tape.

Ayon sa biktima, nagulat daw siya sa ginawa ni Domingo lalo at marami na raw siyang naitulong dito.

Dumepensa naman si Domingo at sinabing na bina-blackmail o tinatakot umano siya ni "David."

"I wouldn't do such a thing if I'm not blackmailed or if my life or my family's lives are in danger," ani Domingo.

Nahaharap ang suspek sa patong-patong na kaso kabilang ang kidnapping at serious illegal detention.

Nakikipag-ugnayan naman ang Philippine National Police sa embahada ng United Kingdom sa Pilipinas para makauwi na ang biktima.--Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.