Dalagita, ginahasa umano ng kapwa menor de edad

Rex Ruta, ABS-CBN News

Posted at Jan 21 2019 03:56 PM

PUERTO PRINCESA CITY - Isang 14-anyos na babae ang humingi ng tulong sa National Bureau of Investigation sa lungsod na ito matapos umano siyang halayin umano ng kaniyang kainuman.

Base sa imbestigasyon, ika-16 ng Enero nang mag-inuman ang biktima at ang itinuturo nitong humalay sa kaniya.

Matapos makipag-inuman ay nakatulog sa isang abandonadong kuwarto ang babae at dito na umano naganap ang pang-aabuso.

Agad namang nadakip ang 17-anyos na akusado nitong Biyernes.

Ayon sa mga imbestigador, nakipag-ugnayan na rin sila sa lokal na Department of Social Welfare and Development hinggil sa kaso.

Idinaan na sa regular filing ang pagsampa ng kasong paglabag sa Special Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination Act.

Nakasubaybay naman umano ang City Social Welfare and Development Office sa kaso ng dalawang menor de edad na parehong biktima sa pangyayari.

"Parehas silang menor de edad. So kailangan talaga na tulungan natin sila. Hindi lang yung child in conflict with the law na nagkasala bagkus kailangan din naming tulungan ang biktima," paliwanag ni Remy Beltran, division chief ng Child and Youth Welfare Program ng lungsod.

Napag-alaman rin ng NBI na parehong miyembro ng isang "gang" ang dalawang menor de edad.

Paalala ng awtoridad sa mga magulang na bantayan at siguruhing protektado ang kanilang mga anak.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng kaniyang mga magulang ang akusado habang hinihintay ang sagot ng korte sa kaso.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.