Batang lalaki, minolestiya umano ng kabarangay

ABS-CBN News

Posted at Jan 21 2019 12:00 AM

CAGAYAN — Nahaharap ngayon sa kasong panggagahasa ang isang lalaki matapos ireklamo ng kabarangay niyang pitong taong gulang na lalaki.

Ayon sa report ng Cagayan Police Provincial Office, nangyari ang insidente umaga noong Enero 11 habang nagbabanyo ang biktima.

Matapos ang panghahalay ay pinagbantaan pa umano ang biktima ng suspek na kabarangay nito.

Pero noong Enero 15 ay nagkalakas ng loob na rin ang biktima na magsumbong sa kaniyang mga magulang at kinalaunan ay nagsampa ng reklamo sa himpilan ng pulisya.

Naisampa na ang reklamong paglabag sa Republic Act 8353 o Anti-Rape Law in relation to Republic Act 7610 o Child Abuse laban sa suspek.

Sa bayan ng Lasam, nahaharap din sa kaparehong kaso ang isang lalaki matapos ireklamo ng 16-anyos na dalagita.

Sa imbestigasyon, bumili lang umano ng ulam ang biktima at naglalakad pauwi sa kanilang bahay nang biglang harangin umano ng suspek at sakalin hanggang nawalan ng malay.

Arestado ang suspek na naisalalim na rin sa inquest proceedings.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.