Babae huli sa pagpupuslit ng tabakong nakatago sa underwear

Justin Aguilar, ABS-CBN News

Posted at Jan 21 2019 05:39 PM | Updated as of Jan 21 2019 07:07 PM

BAGUIO CITY - Kasama ang tatlong anak, isang ginang na bibisita lang sana sa nakakulong na asawa sa Baguio City Jail Male Dorm ang nahuli matapos tangkaing magpuslit ng kontrabando Linggo ng hapon.

Nag-ipit ito sa kaniyang underwear ng mga tuyong dahon ng tabako.

"Napag-alaman namin na yung tobacco na yun ay dadalhin para ibenta ng asawa niya," ani Jail Inspector Cris Dornagon.

Naibebenta umano nila ng hanggang P9,000 ang mga tuyong dahon ng tabako. Itinanggi naman ng asawa ng nahuling ginang na ibinibenta niya ang mga tuyong dahon.

"Para sa akin lang po siya kasi nagmo-momma po ako," aniya.

"Sana mas maganda kung kasama sa ordinansa natin na 'yung mga courier o nagdadala ng kontrabando, lalo na yung tobacco, dahil halos linggo-linggo tayong may nahuhuling nagdadala ng tobacco ay sana ma-penalize sila," dagdag ni Dornagon.

Ayon sa pamunuan ng city jail, aabot sa apat hanggang lima ang nahuhuli nila kada linggo na nagdadala ng kontrabando.

Hindi na muling mapapayagang makadalaw ang ginang sa kaniyang asawa na dalawang buwan nang nakakulong sa reklamong pananakit sa kaniya at kasong frustrated homicide.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.