2 arestado dahil sa paglabag sa gun ban

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Jan 21 2019 10:50 AM

MAYNILA- Arestado ang dalawang lalaking nagpakilala bilang mga drayber ng pinaparentahang sasakyan matapos mahulihan ng baril sa lungsod ng Makati nitong Lunes ng madaling araw.

Nahuli ang dalawang salarin matapos umanong makatanggap ng sumbong ang mga pulis na may dalawang lalaki umanong nakitaan ng baril sa Calle Estacion sa Barangay Pio del Pilar.

Agad na nagpulasan ang dalawang lalaki nang puntahan ng mga pulis ngunit nahuli rin.

Nakita ang isang kalibre-45 replica at isang 9-mm na nakatago sa gilid ng mga sasakyang nakaparada doon.

Depensa ng dalawang lalaki, drayber umano sila para sa isang Koreanong "Tiger Woo." Hinahatid umano nila ang Koreano mula Clark papuntang Maynila.

Iniwan umano sila sa kalsada ni Woo na umalis dala ang ibang sasakyan. Pinahawak daw sila ng baril bilang pang-depensa umano.

Nakita rin sa loob ng nakaparadang SUV sa nasabing lugar ang isang bonnet, hoodie na kulay fatigue, mga duct tape, mga wangwang, at tatlong plaka ng sasakyan.

Ayon sa Makati Police, nakarehistro sa taga-Airport Police ang papeles ng SUV. Magkaiba naman ang numero ng plaka sa harap ng sasakyan at sa conduction sticker nito. 

Dahil sa mga nakuhang gamit, iimbestigahan ng pulisya kung sangkot ang dalawang salarin sa kaso ng pandurukot ng mga banyaga sa Pasay.

Kuwento ng dalawang salarin, ang SUV ay minamaneho raw ng isang Chinese national na kausap ni Woo noong Linggo ng gabi.

Mahaharap sa kasong illegal possession offirearms na may kaugnayan sa Omnibus Election Code, o paglabag sa gun ban ang dalawang lalaki.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.