Sunog sa gusali ng Yakult, naapula makalipas ang 19 oras

ABS-CBN News

Posted at Jan 21 2018 03:41 PM

Matapos ang 19 oras, naapula rin ngayong Linggo ang sunog sa gusali ng Yakult Philippines sa Agoncillo Street sa Malate, Maynila. 

Nagsimula ang sunog bandang 5:00 PM ng Sabado at naapula nitong 11:30 AM ng Linggo, ayon kay fire marshal Antonio Razal. 

Imbakan ng mga papeles ang ika-3 palapag ng gusali, kung saan nagsimula ang apoy, sabi ng mga trabahador. 

Nahirapan ang mga bumbero na pasukin ang lugar dahil sa kapal ng usok. Kinailangan nilang magsagawa ng ventilation o pagbuga ng tubig papalabas ng building upang mapatay ang apoy. 

Nakalabas naman ang lahat ng empleyado. Wala namang naitalang nawawala o nasugatan sa insidente.
 
Inaalam pa ng mga awtoridad kung magkano ang halaga ng mga nasunog at kung ano ang sanhi ng insidente. Ulat ni Zhander Cayabyab, DZMM 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.