Pera, alahas, natangay sa mga turista sa Laguna

ABS-CBN News

Posted at Jan 21 2018 07:59 PM

Nasa higit kalahating milyong piso ang halagang natangay ng mga miyembro ng salisi gang mula sa apat na banyagang turista sa isang resort sa Pagsanjan, Laguna noong Sabado.

Kinilala ang mga biktima bilang sina Faez Alona, Luiza Kronzilber, Saffuzi Fadwa Sabah at Ilana Waltman Dancygier. Pawang mga Israeli national ang mga biktima.

Batay sa ulat ng Pagsanjan police, Sabado ng hapon nang bumalik ang mga biktima sa kanilang kuwarto sa isang resort matapos bisitahin ang Pagsanjan Falls.

Nadatnan nilang bukas ang kanilang mga bagahe, at nawala ang kanilang mga pera at alahas.

Nakuha ang US$6,500 (o P325,000) at P5,300 na cash, at mga alahas na nagkakahalagang US$3,800 (o P190,000). Sa kabuuan, aabot sa higit P500,000 ang natangay ng mga kawatan.

Patuloy na inaalam ng Pagsanjan police ang pagkakakilanlan ng mga kawatan.

-- Ulat ni Ronilo Dagos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.