Anger management para sa mga motorista, panukala sa QC

ABS-CBN News

Posted at Jan 21 2018 07:55 PM | Updated as of Jul 16 2019 03:37 PM

Watch more in iWantTFC

Hindi bago ang mga insidente ng away-trapiko dahil sa init ng ulo ng mga drayber sa kalsada.

Ayon sa isang psychiatrist, ang matinding trapiko ang karaniwang mitsa ng road rage. 

Kaya kailangan umanong matutunang kontrolin ng mga motorista ang kanilang galit.

"Kapag hindi, dadami ang krimen ... lalo na kapag sobrang stressed at 'di mo magagawa 'yong daily routine mo," sabi ni Dr. Bernadette Manalo sa panayam ng ABS-CBN News.

Bunsod nito, nagpasa kamakailan ang pamahalaang lokal ng Quezon City (QC) ng resolusyong nananawagan sa QC Department of Public Order and Safety na magsagawa ng mga seminar hinggil sa road courtesy (wastong pag-uugali sa kalsada) at anger management (pagtitimpi).

Nagbigay naman ng payo si Manalo sa mga motoristang mabilis uminit ang ulo.

"We have to prepare ourselves psychologically for the ride," aniya.

Bukod sa pag-alis ng maaga, tiyaking busog dahil mas mabilis umanong uminit ang ulo kapag gutom.

Maiging iwasan ang pagkakaroon ng baril sa sasakyan.

"Importante dito cool ka lang," anang doktora.

Mahalaga rin umanong itatak sa isip ang respeto para sa kapuwa nagmamaneho.

Matatandaang noong Disyembre ay nag-viral ang video ng isang babaeng nanampal umano ng taxi driver na nanggitgit umano sa kanilang sasakyan.

-- Ulat ni Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.