14 arestado sa magkakahiwalay na drug ops sa Taguig

ABS-CBN News

Posted at Jan 21 2018 05:45 PM | Updated as of Jul 16 2019 04:01 PM

Watch more in iWantTFC

Arestado ang 14 sa magkakahiwalay na operasyon kontra droga ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police sa Taguig.

Nitong Sabado, sinalakay ng mga tauhan ng PDEA ang bahay ng hinihinalang drug pusher na si Melchie Ortega.

Naabutan sa bahay ang suspek na tumangging sangkot siya sa ilegal na kalakaran ng ilegal na droga.

Pero tumambad sa mga taga-PDEA ang mga sachet ng hinihinalang shabu at iba pang drug paraphernalia nang halughugin ang bahay ni Ortega.

Sa kalapit na bahay sa North Signal Village, sinugod din ang umano'y pinagkukutaan ng iba pang drug pusher.

Anim ang naaresto, kabilang ang mag-asawang target na sina Kim Joy at Albert Altobano na kabilang sa top 10 drug personalities sa lugar, ayon sa PDEA.

Sa kanila umano kasi nagmumula ang mga ibinebentang droga at ginagamit rin daw ang kanilang bahay bilang drug den.

Aabot sa P200,000 halaga ng hinihinalang shabu ang nasabat ng PDEA sa magkahiwalay na operasyon.

Arestado naman sa isa pang hiwalay na operasyon ng Taguig police community precinct 7 ang pitong drug suspect sa Fort Bonifacio.

Huli umano sa akto ang mga suspek sa aktuwal na bentahan ng hinihinalang shabu sa isang eskinita.

Inihahanda ang reklamong isasampa laban sa mga suspek.

-- Ulat ni Michael Delizo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.