1 sugatan sa karambola ng 3 sasakyan sa Pasay

Lyza Aquino, ABS-CBN News

Posted at Jan 21 2018 08:26 AM

MANILA - Sugatan ang isang lalaki matapos masangkot ang minamanehong van sa karambola ng dalawa pang sasakyan Linggo ng umaga sa southbound lane ng Roxas Boulevard, Pasay City.

Ayon sa driver ng isa sa van na si Virgilio Calderon, pauwi na sana ito sa may Baclaran nang salpukin ito ng Nissan Urvan na minamaneho ng isang Jose Beltran pasado 2:00 AM kanina.

Mabilis umano ang takbo ng Urvan na tumama rin sa isang Mitsubishi Delica. Sa sobrang lakas ng pagkakatama ay umikot ang Delica bago tumagilid habang sumalpok naman sa center island ang Urvan.

Yupi ang harapan at gilid na bahagi ng mga sasakyan at nabasag ang salamin. Nagkalat rin ang bubog sa kalsada.

Isinugod naman sa Pasay General Hospital si Beltran matapos magtamo ng sugat sa mukha, habang hindi naman nasugatan ang dalawa pang driver na sangkot sa insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.