HONG KONG - Buhay pa rin ang tradisyon ng Sinulog sa komunidad ng mga Pilipino sa Hong Kong. 2006 dumating sa syudad si Lanie Trumata mula Zamboanga, Sibugay sa Pilipinas. Labing-anim na taon na rin siyang naglilingkod sa Saint Joseph's church sa Hong Kong kasama ang ilang kababayan. Hindi nakalilimutan ng mga gaya ni Lanie ang debosyon sa Santo Niño. Kaya tuwing Nobyembre noon, nagno-novena sila kay Niño Hesus.
Taong 2014, hinimok ng parish priest na ipareho ang mga aktibidad ng simbahan sa Pilipinas. Kaya nabuo ang kauna-unahang Sinulog Festival sa Hong Kong na ginagawa tuwing ikatlong linggo ng Enero. Ngayon, higit walumpung contingents ang sumali sa Sinulog festival na dati ring natigil dahil sa pandemic.
“Maraming trials, madaming pagsubok pero iniisip namin na we go for our journey as guidance from our dear Father God,” sabi ni Lanie Trumata, isang OFW.
“Ang significance ng Sto. Niño, na-evolve sa sinulog. Ang message namin is habang nagsasayaw kami, we do the prayer as well,” dagdag naman Ni Evelyn Dumaran, isa ring OFW.
Ngayong taon, binawasan ng simbahan ang ingay ng pagtitipon at tinutukan ang pananampalataya.
“We try to live our way, of course, we have problems, we have difficulties. But we always conquer problems because there are more solutions to problems. Then that’s the reality of life. We have our crosses but at the same time we have our strengths, faith, strength of our community,” ani St. Joseph’s Church Rev. Joseph Tan
Sa muling pagdiriwang ng Sinulog, nais ipakita ng mga deboto maging ng simbahan na buhay ang kanilang pananampalataya kay Senyor Santo Niño.
Para sa iba pang ulat patungkol sa mga Pilipino sa iba't ibang bahagi ng mundo, panoorin at tumutok sa TFC News sa TV Patrol.