PatrolPH

Tourist workers sa Batangas, Laguna dama ang gutom dahil sa Alert Level 3

ABS-CBN News

Posted at Jan 20 2022 06:30 PM

Ramdam ng mga manggagawa at mga maliliit na negosyo sa Laguna at Batangas ang epekto ng pagpapatupad ng Alert Level 3 sa kanilang kabuhayan ngayong matumal ang bilang ng mga turistang dumarayo roon. 

Ang mga resort sa Barangay Pansol sa Calamba City, Laguna, nakabukas pero bihira ang mga bisita. Ramdam na rin ng mga pool agent ang gutom sa pagakawala ng kita. 

"Nawalan kami ng guest. Diyan lang ho kami umaasa. Talagang parang bumalik ho sa dati. Sana magtuloy pa rin pagiging ahente namin para may kitain kami," anang pool agent na si Dong Medina. 

Sabi naman ni Pool Agent Association President Sixto Agustin Jr: "Gutom kami, gutom ho talaga. Siyempre pangangailangan sa araw-araw, minsan kakain ka dati nang tatlong beses, ngayon minsan dalawa, 'yung iba wala pa nga." 

Mahigit 100 pool agents umano ang naapektuhan sa muling pagtaas ng Alert Level 3 sa lugar. 

“Malaki talaga ang inihina ng aming mga resort dito dahil nagse-self lockdown ang mga tao, at isa pa marami hong checkpoint sa bawat dadaanan nila kaya hindi basta-basta nakakapasok ang mga guest namin," sabi ni Barangay Pansol Chairman Joel Martinez. 

Sa Cabuyao City, pinipilahan ng mga bata at matatanda ang mga palugaw sa relocation site sa Barangay Niugan. Ayon sa mga residente, malaking tulong umano ito sa hirap ng buhay ngayon. 

“Wala po kami trabaho, hindi po kami makaluwas sa Maynila dahil iisa pa lang ang turok namin, kailangan pa ng second dose ng vaccine," sabi ni Joselito Magno, na napahinto ang trabaho bilang construction worker. 

Malaking dagok umano para sa mga manggagawa ang naging epekto ng pagpapatupad ng mas mahigpit na COVID-19 protocols sa lugar. 

Sabi naman ni Laguna Provincial Administrator na si Dulce Rebanal na may mga tulong silang ipinagkakaloob sa mga apektado ng pandemya. 

Bibihira na lang din ang mga namamasyal sa Banadero Baywalk sa Tanauan City, Batangas at iilan na lang ding food stall ang nakabukas. 

Sabi ng mga tindera na halos wala na silang benta doon at dumadaing sila dahil tuloy pa rin ang bayad sa renta kada araw kahit walang maibebenta. 

"Sobrang hirap, kakaunti na ang tao na pumapasok dito kasi pinagbabawalan na po 'yung iba. Minsan hinaharang pa po diyan sa daan, hinahanapan ng vaccine. Dati 100 percent pumapasok na tao dito, ngayon 20 percent na lang kaya konti na lang pumapasok dito," ani Rogelyn Zamora, isang tindera. 

Hiling ngayon ng mga manggagawa na sana'y may makarinig sa kanilang hinaing. 

-- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.