PatrolPH

SAPUL SA CCTV: 'Basag kotse' biniktima 2 nakaparadang sasakyan sa QC

ABS-CBN News

Posted at Jan 20 2021 06:15 PM | Updated as of Jan 20 2021 07:52 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Pinaghahahanap ng mga awtoridad ang ilang lalaking sangkot sa pagbasag ng bintana ng magkatabing kotse na nakaparada sa labas ng isang restaurant sa Fairview, Quezon City para manghablot ng gamit, hapon ng Martes. 

Sa kuha ng CCTV, makikitang ilang minutong minamanmanan ng apat na lalaki ang 2 magkatabing kotse pasado alas-5 ng hapon. 

Sakay ng mga motorsiklo, umatake ang kanilang kasama habang nagsisilbing lookout ng motorsiklo ang ilan pa nitong kasama. 

Binasag ang bintana sa may driver side ng puting kotse, at saka kinuha ang bag sa loob nito. 

Sunod niya ring binasag ang bintana ng katabing sasakyan para kuhanin ang bag nito. Mabilis silang nakatakas. 

Ayon sa mga biktima, kumakain sila ng kaniyang mga kaopisina sa loob ng restoran at kampante silang ligtas ang nakaparada nilang mga kotse dahil may security guard naman. 

"Hindi ko akalain 'yun, kasi secure yung lugar at maraming beses na kami kumakain doon," ayon kay Migueland Castro, isa sa mga biktima. 

Nakuha ang kaniyang bag na may checkbook, cash, at RFID sticker, pati na ang bag ng kaniyang kasa sa kabilang sasayan. 

Agad silang nagsumbong sa pulisya, at base sa paunang imbestigasyon, tumutugma ang mga lalaki sa CCTV sa sindikato ng basag-kotse na dati nang nahuli sa Cavite. 

"May guardiya naman doon, kakaikot lang din ng atin team. Talagang tumyempo yung mga lalaki," ani Police Lt. Col. Melchor Rosales Commander ng Fairview Police Station

Hinahanap na ng mga pulis ang lalaki sa video na nakatakdang kasuhan ng theft. 

Balak naman ng biktima na magreklamo sa resturant dahil nalusutan ng mga kawatan ang guwardiya, kahit na maliwanag pa nang mangyari ang insidente. -- Ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.